Sa buhay ng tao, isang malaking impluwensya ang pangarap. Madami ang naririnig at nababasa natin, na kapag ang isang tao ay may matayog na pangarap, madalas sa hindi ay malayo ang nararating nito.
Mahiwaga ang pangarap.
Kaya nitong magpakislap ng mga matang matagal nang tinakasan ng ningning.
Kaya nitong magpangiti ng mga labing matagal na namumutla sa pangungulila.
Kaya nitong magpatibok ng pusong malapit nang takasan ng buhay.
Kaya nitong bumuhay ng taong matagal nang namatayan ng pag-asa.
Sa buhay ng tao, pangarap ang unang dahilan ng kanyang pagbangon sa umaga. At pangarap din ang magduduyan sa kanya sa kanyang pagtulog.
Sa bawat pagtibok ng kanyang puso, sa paghinga ng kanyang baga, sa pagdaloy ng kanyang dugo, pangarap ang nagpapaandar para sa isang makabuluhan na buhay.
Kaya ang taong tinakasan ng pangarap, para na rin itong tinakasan ng hininga, ng buhay.
Kaya mahalaga para sa atin ang mangarap.
Dahil ito ang magbibigay buhay sa ating mga araw.
Magbibigay liwanag sa madidilim na gabi.
Magdudulot ng init sa panahon ng taglamig.
At magdudulot ng butil ng pag-asa sa panahon ng tag-init.
Hayaan nating buhayin tayo ng ating mga pangarap, upang sa gayon, buhay naman natin ang magbigay buhay at inspirasyon sa iba.
Kasoy Sate Sauce a la Marketman
6 years ago
No comments:
Post a Comment